Ang Noon at Ang Ngayon

 

            “Ika-12 ng Hunyo” alam pa nga ba ng henerasyon ngayon kung ano ang mayroon sa araw na ito? Marahil ay maririnig mo mula sa kanila na ito ay araw ng kalayaan at huwag ka ng magtataka pa kung hindi na sila kumibo sa pagtatanong mo kung kailan nga ba ito naganap? Sino-sino ang mga taong kasangkot dito? At ano-ano nga ba ang dahilan kung bakit ito ay ninais makamit?

 

Taong 1898, Kasabay ng pagsapit ng taong ito ay ang napakarami ng planong binuo ng ating mga ninuno na ang karamihan sa kanila ay itinuturing nating mga bayani sa kasalukuyan. Maraming pag-aalsa ang naganap at maraming buhay rin ang nawala. Sa bawat pagkilos ng mga kilusang nagnanais marinig ang kanilang mga mithiin ay ang unti-unting pagkasira ng buhay ng karamihan sa kanila. Sa pagbabalik-tanaw natin sa kasaysayan ay mapapatunayan na ang mga dayuhang kinaibigan ng ating mga ninuno ay ang naging dahilan pala ng mahaba-habang pasakit, paghihirap at pagdurusa ng lahat. Kung nabubuhay man sila ngayon ay natitiyak kong ang salitang pagsisisi ang mangingibabaw sa kanilang mga isipan. Madalas banggitin ng mga guro sa Araling Panlipunan na ang pangunahing layunin ng mga dayuhang napapadpad sa bawat kapuluan ng ating bansa ay ang makipagpalitan lamang ng kani-kanilang produktong ginawa ngunit kung babalikan natin ang mga naging aralin natin sa naging kasaysayan ng mundo, ang pinakalayunin ng kanilang paglalakbay ay upang makahanap at malaman pa kung ano-anong lugar ang maaari nilang mapagkunan ng yaman at ganoon din ang pagkakaroon pa ng ibang teritoryo dahil noon pa man ay malaking usapin na ang pagkakaroon ng kapangyarihan.

 

Noong dumating ang mga kastila ay hindi lamang ang pananampalatayang kristiyanismo ang ipinakilala nila sa atin, nagawa rin nilang iparamdam sa loob ng 333 taon ang iba’t ibang emosyon tulad ng paghihimagsik, paghihiganti at pangungulila sa kalayaan. Sa panahon naman ng mga Amerikano ay unti-unti nilang inayos ang sistema ng edukasyong umiiral sa ating bansa at nagawa rin nilang ayusin ang mababang pagtingin ng mga kalalakihan sa mga kababaihan noon dahil umusbong sa mga panahong ito ang pagnanais ng karamihan sa kanila na maging propesyonal sa larangan ng medisina, abogasya at edukasyon ngunit hindi nagtagal ay dumating ang mga dayuhang hapones upang muling iparanas ang lupit ng nagdaang panahon na unti-unti na sanang makakalimutan ng ating mga kababayan. Mailalarawan sa bawat kuwento ng mga nakatatanda sa atin ngayon ang malupit na pinagdaanan ng mga tao noon subalit sa kabila naman nito ay ang unti-unting napahalagahan ang ating panitikan. Nagkaroon ng puwang sa isipan ng mga Pilipino noon ang kahalagahan ng pagsulat. Nakakalungkot isipin na sa paglawak ng ating mga ideya ay ang pagkakaroon din ng kaalaman na hindi lamang ang dayuhan ang dapat natin kilalanin bilang mananakop. Nagkaroon tayo ng mapait na alaala sa Martial Law.

 

Sa taong ito ay ginugunita natin ang ika-120 taong pagdiriwang sa naging kasarinlan at pagkakaroon ng kalayaan ng ating bansa. Ang layunin ng naging selebrasyon ngayon ay maipaalam sa bawat mamamayan na ang pagkakaroon nito ay ang pagbabagong noon pa man ay ipinaglalaban na at ang pagsasakatuparan nito ay nagsisilbing alay sa masaganang kinabukasan ng kasalukuyang panahon. Kasabay rin ng pagsapit ng araw na ito ay ang dalanging tuluyang maikintal sa isipan ng bawat mamamayan ang kahalagahan ng pakikiisa sa pamahalaan at suportahan ang kanilang mga gawain, programa at proyektong magpapabuti pa sa ating bansa. Imulat hindi lamang ang mata. Hindi lang ang pagiging malaya ang ipinapaalala ng araw na ito. Ang unti-unting pagsasakatuparan na sa lahat ng minimithi, pinangarap at dasal ng mga taong nagbuwis ng buhay at itinuturing nating mga bayani sa kasalukuyang panahon ay tuluyan ng nangyayari.