NAKAYA KO ni Ariel Tua Rivera
NAGMAHAL
Kung saan nagsimula ang lahat. Kung paano ko unti-unting nakilala pa ang aking sarili
Nakita, nakilalala at sa pagdaan pa ng panahon ay nagustuhan kita
Marami nang nagtangka
Maraming umasa
Maraming nasaktan
Naisip ko, bakit nga ba hindi ko subukan?
Baka kulang lang sila sa diskarte
Hindi nakitaan ng tiyaga
At ng pasensiya
Lumakas ang loob ko dahil sa katagang “pagkakataon”
Pinilit kong palakasin ang loob ko
Kahit alam kong isa na naman ako sa aasa
Na mapansin
Makilala
Hindi lang isa, dalawa tatlo kundi napakaraming beses kong sinubukan
Hindi ako sumuko
Dahil ayokong tanggapin sa sarili ko na isa ako sa nabiktima
Nang mapupungay mong mata
Na kapag tumitig sa aki’y tila ako’y natutnaw
Ang labi mong kay tamis kung magbigay ng ngiti
Na hinahanap-hanap ko sa tuwina
Hindi nagtagal ay napansin mo na ako
Nakausap at hindi ko namalayang madalas makasama
At iyon na, ang simula ng ikaw at ako
Tila bumuka ang kalangitan, ang mga tupa’y nagsisitalunan at ang mga nag-aawitang anghel ay unti-unting bumababa mula sa itaas kasabay ng pagsambit mo ng “oo”
Walang kasing tamis.
May tiwala
Na hindi kita sasaktan
Na mamahalin kita sa paraang alam at kaya ko
Ngunit tulad ng kalsada
Ng mga daan
Ay mayroon tayong patutunguhan
Paglalakbay
Na sumubok sa tatag
At lakas natin
Ang salitang “mahal kita” ay naging dahilan na lang upang tayo ay magtagal
Ngunit nakakapagod
Nakakasawa
Paulit-ulit
Umikot na lang ang relasyon natin sa salitang “sana”
Sa mga bagay na hindi na
Hindi na dapat
Hindi na kailangan
Dahil wala
Wala na
Parang bula
Nawala
Nawawala
Mawawala
Nagsulat ako para makabangon
Sa lahat ng naging hamon
Na lumamon
Sa akin, at sa pagkatao ko
Gusto kong magkaroon ng bagong simula
Na para bang pagsusulat sa panimula ng isang sanaysay
Na magsasalysay, mangagatwiran at hindi na kailanman magtatanong
Sa terminal 131, ang panibagong lugar na katatagpuan ng kalayaan, kalayaang gawin ang lahat ng gusto, kalayaang makita ang mga bagay na hindi natin madalas makita, makausap ang mga taong hindi nalalayo ang kuwento sa atin at ang kalayaang maging malaya.
Ilan lang sa dahilan kung bakit ka narito
Ngunit simple man ay ito parin ang pinakahinahangad ng karamihan
Tulad ng kape
Sa paglasa sa tamis ng asukal nito
Sa marahang pagpikit sa naging pait nito
Sa paghahanap ng gatas na siyang magbabalanse sa lasang hangad
Hindi ito pagsuko
Kalayaan, Kalayaang magpatuloy sa buhay.
kasabay ng paghigop ng kape
Na minsan ang pagtingin na lamang sa langit
Sa kalangitang kay dilim
Walang makikita, mararamdaman mo lang
Ang dampi ng hanging may kalamigan na
Hindi nga pala, hindi. Hindi madilim
May bituwin, tala iyong nagkikislapang gabutil sa itaas
Sa kalangitan na ang tanging liwanag ay ang ibinibigay ng buwan
Kaunti pero sapat
Parang damdaain natin,
May kalinawan
Maliwanag kung ano tayo
Pero hindi na ang ako sa buhay mo.
Mahal, sa huling pagkakataon ay gusto kong malaman mo na namimiss ko na ang dating tayo, iyong masayang ikaw at ako.